Arestado ang isang barangay chairman sa Ilocos Norte matapos ireklamo ng panggahasa ng menor de edad.

Sa ulat ni GMA News stringer Dennis Alipio, kinilala ang suspek na si Nolie Tungpalan, 44, ng Barangay Cabaruan sa bayan ng Bacarra. 

Bitbit ang isang warrant of arrest, inaresto ng mga awtoridad si Tungpalan sa bahay ng kanyang kamag-anak sa sa Laoag City.

Kalmado namang umanong sumuko ang suspek nang mabasa ang warrant of arrest.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang 16-anyos pa lamang umano ang biktimang dalagita nang gahasain ito ng suspek, tatlong taon na ang nakalilipas.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na ngayo'y nakakulong sa presinto ng pulis sa Bacarra at nakatakda itong iharap sa korte sa darating na Lunes, Hulyo 24. —LBG, GMA News