Arestado ang dalawang pulis mula sa Quezon City Police District matapos umanong manggahasa ng isang babaeng inaresto nila, ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali nitong Miyerkoles.

Kinilala ang dalawa na sina PO1 Jayson Portugues at PO1 Severiano Montalban na kapwa nakadestino sa QCPD Station 4 sa Novaliches.

Inaresto ang dalawa matapos dumulog sa tanggapan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 22-anyos na biktima ilang araw matapos ang insidente.

Sa kahiwalay na ulat sa News TV Live, iniharap ang dalawa kay National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar sa isang press briefing sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Salaysay ng biktima, pasado hatinggabi noong November 3 nang maaresto siya kasama ang lima pang babae sa isang plaza sa Novaliches dahil sa illegal gambling o paglabag sa PD 1602.

Dinala raw sila sa Quezon City General Hospital sakay ng QCPD mobile pickup na may numerong 188 para isailalim sa medical test.

Subalit sa halip na ipa-medical kasama ng iba pang naaresto, pinaiwan daw sa sasakyan ang biktima.

Ginahasa umano siya ng dalawang pulis sa  madilim na bahagi ng parking lot ng ospital.

Matapos ang panghahalay, pinangakuan daw siya ng dalawang pulis na hindi na siya kakasuhan kapalit ng kanyang katahimikan.

Sa kabila nito, naglakas-loob na maghain ng reklamo ang biktima sa tulong na rin ng kanyang pamilya.

Naaresto ng mg awtoridad si Portugues habang naka-duty sa kanyang unit noong Lunes. Kusa namang sumuko noong Martes ng gabi sa mismong hepe ng QCPD Station 4 si Montalban.

Ani Eleazar, tinanggal na sa tungkulin ang dalawa na nahaharap sa kasong rape. Kasalukuyan silang nakadetine sa NCRPO habang gumugulong ang kaso. —Dona Magsino/KBK, GMA News