Isang 23-anyos na lalaki ang tinangay ng limang armadong lalaki sa Purok 1, Barangay Endroad, bayan ng Aurora sa probinsya ng Zamboanga Del Sur bandang Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jimbert Maglangit, na nahaharap sa reklamong rape.

Kwento ng ina ng biktima na si Urbana, palabas siya ng bahay noon galing sa panonood ng TV nang biglang may dumating na limang armadong lalaki.

Pagkapasok raw ng mga suspek sa kanilang bahay ay agad raw silang tinutukan ng baril at iginapos ng lubid kasama ang kanyang mister na si Alberto Maglangit sa loob ng kanilang bahay.

Hinala ng ama ng biktima na si Alberto, may kinalaman sa kasong kinakaharap ng kanyang anak ang nangyaring pagtangay.

Kinasuhan raw kasi ang kanyang anak ng kasong rape dahil sa alegasyong ginahasa ng kanyang anak ang kasintahan nito na isang menor de edad na nangyari nitong buwan ng September ngayong taon.

Sa panayam ng GMA News sa OIC chief ng Aurora Municipal Police Station na si Police Major Jamar Gumampang Tagayan, patuloy ang kanilang isinasagawang follow-up operation hinggil sa insidente.

Mayroon na raw silang person of interest sa insidente at ito ang pamilya ng babaeng menor de edad na nagsampa ng kasong rape kay Jimbert.

Nanawagan ang ama ng biktima sa mga suspek na huwag sanang saktan ang kanyang anak at ibalik na raw ito sa kanila. — BAP, GMA News