Hindi bababa sa 1,200 indibidwal ang maaaring maharap sa mga kasong kriminal dahil sa mga maanomalyang proyekto ng gobyerno sa flood control, ayon kay Independent Commission for Infrastructure (ICI) Commissioner Rogelio "Babes" Singson nitong Biyernes.
Sinabi ni Singson, dating pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na humigit-kumulang 15 indibidwal ang mahaharap sa mga kaso para sa bawat maanomalyang flood control project, na kasalukuyang nasa 80. Sa kabuuan, aabot sa 1,200 ang bilang.
“One ghost project will involve 15 [individuals to be charged]. We limited it to 80 projects done by notorious [top] contractors named by the President [Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr],” sabi ni Singson.
“Eighty, multiply it by 15, do your math. I'm sorry to the Ombudsman, malulunod ka ng papeles at referrals,” dagdag ni Singson.
Sa parehong press conference, sinabi ni Singson na 64 na tauhan mula sa pulisya at militar ang ipinadala para mangalap ng impormasyon tungkol sa mga maanomalyang flood control projects na itinayo ng mga nangungunang kontratista na isiniwalat ng Punong Ehekutibo.
"We're expecting additional documents coming from the joint AFP-PNP ground troops who are on the ground. Next week, dadagsa po 'yan,” ani Singson.
Nagsampa si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng kasong malversation at dalawang bilang ng graft laban kay dating Ako Bicol party-list representative na si Zaldy Co, mga dating opisyal ng DPWH at mga direktor ng Sunwest Construction kaugnay ng P289-milyong proyekto ng dike sa Oriental Mindoro.
Dati nang itinanggi ni Co ang mga paratang sa kanya ukol sa umanoy maanomalyang flood control projects.
Ang mga kasong ito ang mga unang kasong kriminal na isinampa laban sa mga umano'y may pananagutan sa flood control mess. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News

