Dumausdos sa negative 3% ang net trust rating ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Nobyembre. Ang trust rating ni Vice President Sara Duterte, tumaas naman sa 31%.

Sa naturang survey na ginawa noong November 24 hanggang 30, na kinumpirma ng SWS ngayong Biyernes, nakasaad na nakakuha si Marcos ng 38% “much trust” rating at 41% naman ang “little trust,” para sa net rating na negative 3%.

Habang si Duterte, nakakuha ng 56% “much trust” rating, kontra sa 26% “little trust” para makamit ang 31% net rating.

Sa survey noong Oktubre 2025, mayroong 7% net trust rating si Marcos, at 25% naman kay Duterte.

Nakakuha ng pinakamataas na tiwala si Marcos sa Balance Luzon (lugar sa labas ng Metro Manila sa Luzon) na nasa +18. Subalit negatibo naman ang mga nakuha niya sa Mindanao (-37), Visayas (-7) at National Capital Region (-8).

Samantala, sa Mindanao nakakuha ng pinakamataas na tiwala si Duterte (+74), na sinundan ng Visayas (+43), at Balance Luzon (+12). Pinakamababa naman siya sa NCR (+2).

Isinagawa ang survey na kinomisyon ng Stratbase Consultancy sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 katao na nasa hustong gulang na may edad 18 pataas sa buong bansa.

Ang 1,200 na respondents ay kinabibilangan ng tig-300 indibidwal mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang mga margin ng sampling error ay ±3% para sa mga pambansang porsiyento at ±6% naman sa bawat isa para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

"Given a sponsor-authorized release of commissioned survey items, SWS is disclosing pertinent survey results and technical details for the benefit of the public," ayon sa pahayag ng SWS.

Ginawa ang survey mahigit isang linggo nang ideklara ni Marcos na makukulong ang mga sangkot sa katiwalian sa flood control projects bago sumapit ang Pasko. 

“Kaya’t ‘yang mga taong ‘yan na kasabwat diyan, ito mga walang-hiyang ito sa – na nagnanakaw ng pera ng bayan: Tapos na ang maliligaya ninyong araw! Hahabulin na namin kayo,” ayon sa pangulo.

''Alam ko... bago mag-Pasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yung kaso nila, buo na 'yung kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,'' dagdag niya.

Noong Nobyembre rin unang nagsampa ang Ombudsman ng mga kasong malversation at graft laban sa dating kinatawan ng Ako Bicol party-list na si Zaldy Co at 16 pang iba sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y substandard na proyekto ng road dike na nagkakahalaga ng ?289 milyon sa Oriental Mindoro.

Noong Disyembre naman, nagsampa rin ang Ombudsman ng mga kasong malversation at graft laban sa kontratistang si Sarah Discaya, bukod sa iba pa, sa Regional Trial Court sa Lungsod ng Digos, Davao del Sur kaugnay ng ?96.5 milyong ghost flood control project sa Davao Occidental. —  Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News