Sugatan ang mag-amang nakamotorsiklo matapos biglang sumindi at sumabog ang mga dala nilang paputok na kuwitis sa Santa Barbara, Pangasinan. 

Ang mga kuwitis, hinihinalang nadikit sa tambutso o sumayad sa semento kaya nakiskis at mag-isang sumindi.

Sa ulat ni Chino Gaston nitong Miyerkules, sinabing dinala sa ospital ang mag-ama matapos ang insidente, habang sunog naman ang harapang bahagi ng motorsiklo at nasira ang mga bintana sa lugar.

Sa Bocaue, Bulacan, pinag-iingat ng mga awtoridad at manininda ng paputok ang mga nakamotorsiklo nilang customer dahil sa matinding init, pati na rin sa posibleng pag-ulan na makasisira sa mga pinamiling pailaw at paputok.

Samantala, pinapayuhan ng awtoridad ang mga fireworks retailers na maglagay dagdag na packaging sa mga paninda.

"Napaka-sensitive talaga kasi ng ignition ng firecrackers and pyrotechnics. Kaya dapat talaga sila ilagay sa tamang lalagyanan. 'Yung box mas secured o kaya 'yung mga plastic na naka-seal," sabi ni Fire Superintendent Anthony Arroyo, Bureau of Fire Protection spokesperson.

Maliban sa packaging, importante rin ang maayos na pagsasalansan, lalo't kahon-kahon ang ikinakarga sa mga sasakyan ng ilang mamimili.

"Huwag lang po siyang mababasa, safe na safe po siya. No smoking, ganu'n. Safety muna para iwas aksidente," sabi ni Diane de Rosario, isang tindera ng paputok.

Namigay din ng mga polyetos sa mga mamimili ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP), bukod sa maya't mayang pag-iikot at inspeksiyon.

Kabilang sa mga paalala ng PNP, huwag nang gumamit ng mga paputok. Sa halip, salubungin ang Bagong Taon gamit ang kaldero, torotot, sound system, o ibang bagay na lamang na lumilikha ng ingay.

Iwasan daw ang mga ilegal na paputok tulad ng piccolo at mga hindi rehistradong firecrackers. Huwag daw damputin ang mga hindi sumisinding paputok.

Kung magpapaputok, siguraduhing malayo sa mga tao at kabahayan ang pagsisindihan ng mga ito.

Muling nagpaalala ang BFP, gumamit lang ng pailaw at paputok na aprubado ng Department of Trade and Industry (DTI). — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News