Natukoy na ng Camarines Norte Police Provincial Office ang pagkakakilanlan ng bangkay ng babaeng nakita sa loob ng isang storage box na nadiskubre sa ilalim ng Pinagwarasan Bridge sa Basud, Camarines Norte.

Tinukoy ng pulisya ang biktima na si Anelis Agocoy, 38-anyos, residente sa Catarman, Camiguin.

Sa pahayag ng Camarines Norte Police, sinabing nakatanggap ng tawag si Basud Municipal Police Station acting chief Capt. Mark Armea, mula sa isang nagpakilalang kaibigan ng biktima nitong Lunes ng gabi, January 5, at positibong kinilala ang biktima.

Isang pinsan din ng biktima ang nagkumpirma na kamag-anak niya ang babae, ayon pa sa pulisya.

Nakipag-ugnayan na ang Basud Municipal Police Station sa Catarman Municipal Police Station para ipaalam sa pamilya ng biktima ang nangyari.

Tinutugis na rin umano ng Basud Police ang suspek na tinukoy ng saksi.—Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA Integrated News