Pumanaw na ang apat na suspek sa pagkidnap ng senior citizen na humantong sa engkuwentro sa mga awtoridad sa Parañaque, ayon sa Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong Huwebes.
“Opo, ang mga suspek po,” sabi ni AKG chief Police Brigadier General Glicerio Cansilao sa isang pulong balitaan nang tanungin kung nasawi ang mga suspek.
Dalawa sa mga nasawing suspek ay mga dating pulis na inalis o dismissed sa trabaho.
Samantala, isang National Bureau of Investigation (NBI) identification card ang namataan sa isa pang suspek.
Sibilyan naman ang isa pang suspek.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay isang naturalized Filipino na may lahing Indian.
Umalis ang biktima sa kaniyang opisina sa Parañaque City bandang 5:30 p.m. nitong Martes at pauwi na sana sa Makati City nang siya ay dukutin.
Iniulat ang insidente bandang 10 p.m. ng manugang ng biktima matapos ang sunod-sunod na nakakabahalang tawag mula sa mga suspek.
Bandang 7:36 p.m., isang hindi kilalang lalaki ang ginamit ang cellphone ng biktima, tinawagan ang manugang nito at inutusan na makipag-negosasyon para sa pagpapalaya sa biktima.
Tinawagan din ng mga suspek ang asawa ng biktima bandang 8:01 p.m. at gumawa ng parehong kahilingan. Pagdating ng 9:58 p.m., muling nakipag-ugnayan ang mga suspek at humingi ng ransom na P50 milyon.
Sinabi ng mga awtoridad na nagpatuloy ang negosasyon nitong Miyerkoles at kalaunan ay nabawasan ang halaga ng ransom sa P10 milyon.
Nang gabing iyon, bandang 7:52 p.m., nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagliligtas sa biktima.
Matapos ang engkuwentro, dinala sa ospital ang mga suspek habang ligtas ang biktima.
Mapanonood sa video ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB na isa-isang inilabas ang mga duguang suspek mula sa isang SUV mag-9 p.m.
Humantong sa sagupaan ang operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group matapos umanong subukang manlaban ng mga kidnapper.
Nakatakas naman ang ilan pang suspek umano lulan ng hiwalay na sasakyan.
Matagumpay namang nasagip ng pulisya ang biktimang senior citizen.
Sinabi ng isang gasoline boy na saksi sa insidente na pasado 9 p.m. nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril.
“Nakarinig lang po kami ng putukan, nakita ko lang po, nagtago na po kami kasi nagkakaratratan na du’n sa kabilang lane… Takot po talaga kasi nag-cover na po ako sa pump eh, hindi na po kami lumabas nu'ng nagkaputukan na po,” anang gasoline boy.
“Na-informed lang kami na mayroon nangyari dito, nagresponde kami, nag-support kami dito sa AKG… sa traffic flow para mabilis, in-assist namin na makurdon ‘yung area,” sabi ni Police Colonel Glenn Oliver Cinco, Acting District Director ng SPD.
Patuloy na inaalam sa ngayon ng SPD kung may mga sibilyan na nadamay sa putukan.
Sinabi pa ng PNP na isang pulis nila ang nagtamo ng minor injury, ngunit nasa maayos nang kalagayan.
Samantala, natagpuan ng mga awtoridad ang isang abandonadong MPV sa isang parking lot sa Adriatico, Maynila pasado 8 p.m., na pinaniniwalaang sinakyan ng mga nakatakas na suspek sa Parañaque.
Nang inspeksyunin ng SOCO ang loob, tumambad sa kanila ang samu’t saring kagamitan gaya ng ilang uniporme ng PNP, baril, mga bala, dalawang pares ng plate number at conduction sticker.
Nakita rin ang pera, posas, cable tie at mga damit.
“Bale may tumawag sa amin na parking attendant dito sa may Rizal Memorial, mayroong ipinaradang sasakyan na mabilis pumarada tapos biglang may nagtakbuhan, ‘yung mga occupant ng sasakyan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Maria Agbon, Station Commander ng MPD-9.
Ayon sa MPD, nagkataong walang mga CCTV sa lugar at tanging parking attendant lang ang nakakita sa mukha ng mga suspek.
Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking ng mga awtoridad para mahanap ang mga nakatakas na lalaki, at ang pagbeberipika kung lehitimong uniporme ng PNP ang mga narekober mula sa abandonadong sasakyan.
Sinusubukan pa ng GMA News na humingi ng detalye kaugnay sa biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News

