Kinagigiliwan ng mga turista sa Siargao ang mga binansagang “human drone,” dahil sa kakaiba nilang paraan ng pagkuha ng mga video sa cellphone na tila sumasayaw at nagpapaikot-ikot pa. Ang “Biyahe ni Drew” host na si Drew Arellano, nagpaturo ng galawan ng mga human drone. Pumasa kaya siya? Alamin.
Sa pagbisita ni Drew sa Siargao sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” nakilala niya si Kuya Giovanni, isa sa mga pasimuno ng human drone trend.
Low-budget lamang ito, dahil si Giovanni na ang kikilos para sa mala-drone na kuha gamit ang smart phone.
Ilan sa kaniyang mga galaw ang “wide” o paglayo sa subject, “jump,” “barrel roll” o pag-ikot, at “ballerina” na tila nagba-ballet.
Kuwento ni Giovanni, nagsimula silang gawin ang human drone shot noong 2021.
“Nagsimula kami sa biruan lang muna. Nagbiruan kami sa mga kasama namin. Nag-try kami sa pangit lang na cellphone. Nakakahilo kasi umaalog ‘yung video. Hanggang may dumating na turista, tinry namin,” kuwento niya.
Makapasa naman kaya si Drew bilang human drone? Panoorin ang video. – FRJ GMA News
