Hindi nakaligtas si Bulacan Governor Daniel Fernando sa ginawang pag-usisa ni Susan Enriquez tungkol sa umano’y insidente ng road rage sa North Luzon Expressway (NLEX) noong nakaraang Pebrero, kung saan hinarang umano ng kaniyang convoy ang sasakyan ng isang anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa latest episode ng Kay Susan Tayo vlog, ilang beses tinanong ng Kapuso broadcast journalist ang gobernador tungkol sa umano’y nangyaring insidente. Bukod dito, tinanong na rin ang actor-turned-politician kung talaga bang nagkasakitan din sila ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla Fernando, dahil pa rin sa uman’y “road rage” incident.

“Ma’am, huwag na natin pag-usapan ’yan,” sagot ni Daniel nang tanungin siya ni Susan tungkol sa insidente.

Giit niya, tama na kung ano man ang pahayag na lumabas mula sa Palasyo at ahensiya ng gobyerno.

“Nasabi ko na po yung reason ko na… na yung pahayag ng Malacanang, pahayag ng LTO (Land Transportation Office), sabi ko yun na lang ang igalang natin,” saad ng gobernador.  

Tumanggi na si Daniel na magsalita tungkol naman sa umano’y insidente na sinaktan siya ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, dahil sa sinasabing insidente sa NLEX.

Muling ipinaliwanag ni Daniel na hindi bukol dahil sa bugbog ang nakaumbok sa kaniyang noo.

“Matagal na po ito. Lipoma po ito… taba-taba lang po ’yan na tumutubo,” sabi ng gobernador na nagbiro pang hindi niya ipapaalis ang bukol para maging “third eye” niya.

Sa mga naunang ulat, sinabi ni Remulla na hinarangan umano ng convoy ng gobernador ang apat na linya sa NLEX tuwing dumadaan siya.

Pero giit niya, batid ng mga taga-Bulacan ang tunay niyang ugali.

“Alam ng Bulacan kung sino si Daniel Fernando. Alam nila kung ano ’yung ugali ko—kung ako ba’y abusado o hindi. Doon lang po ako tututok," paliwanag niya.

Inihayag din ni Daniel na hindi pa sila nagkikitang muli ni Remulla matapos ang naturang insidente.

Inusisa rin si Daniel kung may kinalaman ang pag-endorso niya kay Leni Robredo sa presidential race noong 2022 elections kung kaya ba posibleng napag-iinitan siya ng kasalukuyang administrasyon.

Pero ayon kay Daniel, tumutulong siya ngayon sa administrasyon ni Marcos, na nakatunggali at tumalo kay Robrerdo noong presidential elections.

“Makasuporta po ako kay BBM [Marcos]. Sabi ko naman sa kanila basta kung sino ang maupo diyan [sa Palasyo] tutulungan natin. Kasi ganun po talaga si Daniel Fernando. Kahit sa mga mayor dito, pagkalaban namin, basta nakaupo suportado ko,” giit niya.

Nang tanungin kung bakit si Leni ang inindorso niya noong 2022 presidential elections, tugon ni Daniel, “biglang may pumasok sa utak ko eh. Hindi ko po alam biglang may bumaba,” sagot ng gobernador. – FRJ GMA News