Umakyat na sa 10 ang kabuuang bilang ng mga bangkay na nakuha mula sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago sa Angeles City, Pampanga. Ito ay matapos na makakuha ng limang bangkay ngayong Linggo.
Batay sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3, limang bangkay ang nakuha ngayong Linggo, na ang pinakahuli ay nangyari dakong 10:33 pm.
Magkakasunod namang nakuha naman tatlong bangkay dakong 2:51 p.m., 3:43 p.m. at 4:47 pm.
Una rito, inihayag ng Angeles City Information Office na batay sa inireport kay Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, isang bangkay din ng lalaki ang nakuha mula sa guho dakong 7:50 a.m.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Super Radyo dzBB, sinabi umano ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo IV na pananatilihin pa rin muna sa 14 ang nawawalang mga biktima hanggang sa hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga bagong bangkay na nakuha.
Patuloy ang search and retrieval, at clearing operations sa lugar, isang linggo matapos mangyari ang pagguho ng gusali na may taas na siyam na palapag na gagawin sanang hotel.—FRJ/GMA News

