Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang mag-live in partner na sakay ng motorsiklo matapos silang salpukan ng humaharurot na pampasaherong van sa Tangalan, Aklan.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, makikita sa video footage na papaliko ang mga biktima na sakay ng motorsiklo nang salpukan sila ng van nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Nakaladkad pa ng ilang metro ang mga biktima na pawang walang sulot na helmet.

Arestado naman ang driver ng van na nakikipag-karera umano sa isa pang van para sa pagkuha ng pasahero.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nag-overtake umano ang van sa isang sasakyan at hindi nito napansin ang mga biktima na papaliko.

“Pagdating sa diversion road sa Barangay Tondog, iyong driver na kinakarera niya, pinagbigyan siya na mauna. Nag-overtake siya kaya lang meron pang isang sasakyan sa harapan niya, at mag-overtake ulit siya. Ngayon, hindi niya napansin na mayroong motor,” ayon kay Police Capt. Jayson Mausig, OIC, Tangalan Police Station.

Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in two counts of homicide. – FRJ GMA News