Kritikal ang kalagayan ng isang 23-anyos na lalaki matapos siyang saksakin ng suspek na naniningil umano ng P1,000 na utang sa San Fabian, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Nibaliw Vidal nitong madaling araw ng Martes.
Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang tatlong lalaki, kabilang ang suspek sa kanilang bahay, nang magpasya silang singilin ang P1,000 na ilang linggo na umanong utang ng biktima na isang tattoo artist.
“Ito yung nagmula sa sinisingil na utang na matagal nang pinangakuan. Pero every time na pumunta naman yung ano… hindi nagbabayad,” ayon kay Police LT. Jonathan Castillo, Officer on Duty, San Fabian Police Station.
Tinawag umano sa labas ang biktima at doon na nagkainitan hanggang sa saksakin ng suspek ng dala niyang patalim ang biktima.
Nagtamo ng tama ng saksak sa tiyan ang biktima na kritikal ang lagay sa ospital.
Matapos ang pananaksak, , tumakas ang tatlo pero nahuli rin sila kinalunan at sinampahan ng reklamong frustrated murder
Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen na dala umano galit at impluwensiya ng alak.
Sinabi rin ng suspek na kailangan na raw sana nila ang pera para ipambili ng bigas.
Wala pang pahayag ang biktima at mga kaanak nito, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
