Dalawang menor de edad na babae ang nasagip ng mga awtoridad matapos na maaresto ang dalawang tulak umano ng droga sa isang hotel sa Quezon City. Ang mga dalagita, bukod daw sa ginagawang "courier" ng droga, pinapagamit pa ng shabu at pinipilit na makipagtalik.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Paolo Ngalo-ngalo at Reynaldo Atutubo, na naaresto sa isang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City.
Unang naaresto ng mga operatiba ang 17-anyos na babae na ginagawa umanong runner ng dalawang suspek.
Itinuro naman ng dalagita na nasa ikalimang palapag ng hotel ang dalawang target na tulak.
Nakita ng mga pulis si Ngalo-ngalo ngunit nagtatakbo pababa ng hotel pero naaresto pa rin ng mga nagbabantay na pulis.
Sunod na tinungo ng mga awtoridad si Atutubo na nasa loob ng kuwarto kaya nagpanggap na roomboy ang pulis para magbukas ng pinto ang suspek.
Nang makapasok ang mga pulis, bumungad sa kanila ang mga ebidensyang shabu at paraphernalia.
"Itong dalawang talamak na tulak sa area ng Novaliches kung saan ginagamit nila sa place of transactions 'yung mga several hotels dito," sabi ni Supt. Rossel Cejas, Station Commander, QCPD Station 4.
Isang 16-anyos at 17-anyos pa ang dinatnan ng mga awtoridad, na sumusuka pa ang isa. Sumbong ng babae, madalas siyang pinapagamit ng shabu ni Ngalo-ngalo at pinipilit siyang makipagtalik.
"Siya po 'yung, nahihilo nga po siya kasi kanina natutulog na po siya diyan sa may hagdan," sabi ng isang dalagitang biktima.
Nabawi sa mga suspek ang anim na plastic na may lamang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P100,000, kasama ang buy-bust money at mga shabu paraphernalia.
Umamin sina Ngalo-ngalo at Atutubo na mga tulak nga sila.
"Nagagawa nilang makipagrelasyon sa mas bata hangga't maaari ay menor de edad. Kung menor de edad nga naman 'yung magdadala ng droga, gagawin nilang courier o tagabitbit ng droga lalo na't babae, mas sikreto," sabi pa ni Cejas.
Ilalagay sa kustodiya ng DSWD ang mga dalagita at kinasuhan na ang mga suspek.
May karagdagang kasong rape in relation to Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 si Ngalo-ngalo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
