Muntik nang napaanak ng wala sa oras ang isang buntis na inilikas mula sa isang binahang lugar sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City nitong weekend, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Umabot sa ikalawang palapag ng bahay nina Virginia dela Peña ang baha kaya kinailangang ilikas sila ng kanyang pamilya at dalhin sa isang evacuation center.
"Sumakit 'yung tiyan bigla. Akala ko manganganak na ako bigla nung pag-ano na, kasi hanggang hita na yung tubig paglabas namin," ani Virginia, na sa darating na Sabado pa nakatakdang manganak.
Kasama ni Dela Peña ang kanyang asawa at tatlong anak sa isang evacuation center, kasama ang ilang residente ng Diamond Ville at ibang kalapit na purok.
Mahigit 1,400 na pamilya ang inilikas sa 11 na evacuation center sa Barangay Bagong Silangan nitong Lunes ng umaga dahil sa bahang dulot ng sunod-sunod na pag-ulan dahil sa hanging Habagat.
"Siguro po mga 20 to 30 na kabahayan ang talagang 'di na magagamit kasi una sa lahat, pinasok na ng tubig, pinasok na ng putik, pinasok na ng basura," ayon sa isang miyembro ng LGU. —Rie Takumi/KBK, GMA News
