Nagpupuyos sa galit ang ina ng 12-anyos na dalagita nang malaman na hinalay umano ng 19-anyos na lalaki ang kaniyang anak. Ang suspek, nakilala raw ng biktima sa Facebook.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nanggigigil sa galit ang ginang nang makaharap sa barangay hall ang lalaking sinasabing humalay sa kaniyang anak na si Joey Geronimo.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang "Jenny," makikipaglibing lang dapat siya pero inabutan na ng curfew kaya nagpasya siyang makitulog sa itinuring niyang kaibigan na si Geronimo na nakilala niya sa Facebook noong Nobyembre.

Aminado naman ang biktima na mali ang ginawa niya kaya nagsisisi raw siya.

Depensa naman ng suspek, kusang-loob na sumama sa kaniya ang biktima at nakitulog.

Idinagdag nito na isang buwan na rin silang may relasyon at ang biktima pa raw ang unang humahalik sa kaniya.

"Hindi ko pinilit saka siya po mismo ang naghahalik muna sa akin," paliwanag niya.

Mananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek habang hinihintay ang resulta ng medico legal kung naabuso nga ang biktima.--FRJ, GMA News