Patay ang 39-anyos na construction worker sa Dagupan City matapos siyang sapakin ng kanyang sariling pinsan na napikon umano sa kanya, ayon sa ulat ni Kim Bandarlipe sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes.
Nag-iinuman lang ang mag-pinsang si Michael Torio at 37-anyos na bangkerong si Jayve Vinluan sa bahay ng kanilang kaibigan sa Barangay Calmay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil daw sa selos.
"Hinihipo ako tapos sinampal. Lumabas na ako nun para wala nang ano. Nung nasa labas ako, biglang lumapit sa akin na, ‘suntukan tayo’ sabi niya,” kwento ni Vinluan.
Ayon sa pulisya, bumagsak daw si Torio matapos suntukin kaya tumama ang ulo nito sa semento.
"Nagkasuntukan. Sudden lang naman 'yung pagkakasuntok. Nabaliktad, siyempre lasing siguro 'yung tao, tumama 'yung ulo niya doon sa semento," sabi ng hepe ng Dagupan City Police na si Lieutenant Colonel Jandale Sulit.
Sinugod ang biktima sa hospital pero agad itong binawian ng buhay.
"Sa bahay naman nag-inuman ‘tong mga ‘to, kaya lang, 'yun nga, umabot doon sa punto na nasobrahan kaya ang paalala natin, kung iinom in moderation lang siguro," sabi ni Sulit. —Joviland Rita/LDF, GMA News
