Patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang suspek sa pagpatay ng isang Grade 7 student sa Calamba, Laguna at hinihinalang tinangay nito ang baril ng kanyang pinapasukang security agency.

Ayon kay Calamba City police chief Police Lieutenant Colonel Jacinto Malinao sa isang panayam sa Dobol B sa News TV nitong Linggo, napag-alaman ng mga pulis na nag-AWOL na ang suspek na isang security guard nitong July 1 sa pinapasukang agency at tinangay umano nito ang isang baril na kalibre .38.

Sinusuri na ng pulisya kung ang slug na nakuha sa biktima ay galing sa kalibre .38 na baril, aniya.

Kinilala na dati ang suspek na si Renan Estrope Valderama na siya umanong bumaril sa estudyanteng si Mark Anthony Miranda, 15, sa loob ng isang classroom sa Masili National High School nitong Huwebes, Hulyo 4. Pumanaw rin ang biktima noong araw na iyon.

Ani Malinao, kinausap nila ang ilang kaklase ng biktima at hindi nila makumpirma kung pumunta nga ang suspek sa burol ng biktima gaya ng naibalita.

"We interviewed several students in the area, pati mga classmates nila. Negative tayo... Wala tayong makitang positive assessment (na pumunta sa burol ang biktima). Puro kamukha (ang sinasabi)," dagdag ni Malinao.

Sinabi rin niyang na-trauma ang mga estudyante ngunit naghahanda na ang Department of Education ng appropriate psychological intervention para matulungan sila.

Kinondena na ng DepEd ang krimen at nakiramay ito sa pamilya ng biktima.

Patuloy pa rin daw ang pursuit operations laban sa suspek.

"Immediately right after the incident, wala pong tigil ang pursuit operations sa suspect... He's highly mobile. Ang operational research sa kanya ay lumalawak na po," ani Malinao.

Kinumpirma ni Malinao na naaresto ang suspek noong 2018 ng Calamba Police.

"Nag-plead for lesser offense sa pagnanakaw at na-serve na ang penalty," aniya.

Sinabi rin ni Malinao na ang insidente ay nagsilbing wake-up call at kanila nang tinitingnan ang security measures ng mga paaralan sa Calamba.

Noong nakaraang buwan, may mga social media post ang suspek na naglalahad ng malalim na sama ng loob sa binatilyo.

Nitong July, nagsampa ng reklamong sexual abuse ang biktima laban sa suspek dahil umano sa pang-aabusong sekswal sa kanya mula Marso hanggang Hunyo ngayong taon.

Nakatanggap na raw ng pagbabanta ang biktima matapos umalis ito sa tinutuluyan ng suspek. —KG, GMA News