Sinalakay ang isang parlor pero gawaan pala ng mga pekeng dokumento sa Maynila, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Biyernes.
Arestado sa ginawang entrapment operation ang anim na nasa likod ng paggawa ng pekeng PWD at senior citizen ID.
Kabilang sa mga naaresto ang mga umano'y fixer na sina Rizaldy Sayana, Carlo Magno at Carlito Guevarra.
Kalaboso rin ang tatlo umanong operator ng pagawaan na sina Chris Alonzo, Joshua Flores at Angelica Aranda.
Sa entrapment operation, nakapagpagawa ang otoridad ng 10 PWD at senior citizen ID sa halagang p1,000. May nakuha ring mga pekeng dokumento tulad ng NBI clearance, diploma at Meralco bill.
Pinaghahanap na ang mismong may-ari ng pagawaan. —KBK, GMA News
