Bumagsak ang bahagi ng harapan ng isang condominium building sa Makati City nitong Huwebes bago magtanghali. Ayon sa ulat ng "Dobol B sa News TV," wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.

Tinukoy ni Mayor Abby Binay ang naturang commercial-residential building na Jazz Residences ng SMDC, sa Nicanor Garcia Street sa Barangay Bel-Air Village.

Sa pahayag, sinabi ng SMDC na napinsala ang facade wall ng parking level sa gusali kaya bumigay ito at bumagsak sa driveway dakong 11 a.m.

Sa panayam sa Dobol B sa News TV,  sinabi ni Binay na nanggaling sa 5th floor ng gusali ang bumigay na bahagi.

Tatlong sasakyan umano ang napinsala matapos mabagsakan ng mga bato.

Sa hiwalay na panayam kay Makati City Police chief Colonel Rogelio Simon, sinabi nito na mayroong apat na tower ang Jazz Residences.

Ang bumagsak na bahagi ng gusali ay nasa Tower D.

Wala naman umanong nakitang palatandaan na nagkaroon ng pagsabog sa lugar, taliwas sa mga naunang impormasyon na lumabas.

“Walang nakitang traces nang pagsabog. Siguro yung sinasabi ng mga residente ay yung sounds ng debris at wall na bumagsak,” paliwanag ni Simon.

Pansamantala ring pinalabas ang mga nakatira sa Towers A , B, at C, para masuri kung ligtas ang mga gusali, at kinalaunan ay pinabalik na rin ang mga residente.

Hindi pa tiyak kung kailan pababalikin sa kanilang mga unit ang mga nakatira sa Tower D habang patuloy pa ang pagsusuri ng mga awtoridad sa lugar.--FRJ, GMA News