Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Police General Rommel Marbil nitong Miyerkoles na may emergency closed door meeting ang mga senior police official sa Camp Crame nitong Martes ng gabi kaya kinailangan ng police convoy na dumaan sa EDSA busway.Sa panayam ng Dobol B TV, sinabi ni Marbil na may gagawing anunsyo si Interior Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa isang police operation na ginawa kagabi."Kahapon kasi there [was] an emergency and there [was] an issue that we have to resolve, kaya the SILG [Remulla] will announce 'yung accomplishment kagabi. Kailangan 'yung presensiya ng pulis namin na higher ups kasi nga nag-closed door meeting and something happened sa operation last night," ayon kay Marbil.Sa kabila ng paghuli sa kaniyang convoy, sinabi ng pinuno ng PNP na iginagalang niya ang mga tauhan ng Department of Transportation-Special Action Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), na sumita sa kanila."Ang sinasabi ko nga sa PNP natin, itong SAICT they are just doing their job, we have to respect them. Ang pulis po natin ipinagbabawal na gumamit ng bus lane. In case of emergency, just follow them, get the ticket, huwag nang mag-argue then explain na lang bakit natin ginamit. Lahat kami we are just doing our job," ani Marbil.Una rito, idinepensa ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo ang pagdaan ng PNP convoy sa EDSA busway na pinapayagan umano sa "emergency" cases.“Meron naman po doon sa guidelines na kapag ang mga PNP officers ay urgent and emergency in nature ay pupuwede naman pong dumaan po,” paliwanag niya.“Pero hindi na po nakipagtalo itong convoy at nakiusap na lang po na hayaan muna pong maihatid yung ating officer po sa Camp Crame. At bumalik po sila para kunin ang ticket intended po sa kanilang supposed violation,” dagdag ng opisyal.Sinabi ni Fajardo na police officials ang sakay sa convoy na dumaan sa EDSA busway na may close door meeting na kailangang daluhan agad sa Camp Crame.Hindi na tinukoy ni Fajardo kung sino ang opisyal na sakay sa convoy dahil sa usapin ng seguridad.“For security reason po, hindi na po natin idi-divulge ang identities po ng laman po ng convoy. What we can confirm po ay these senior officers holding sensitive positions po,” dagdag niya.“Considering po na nailabas na yung mga video including yung plakang sasakyan ay kailangan din po nating proteksyunan yung kanilang security,” paliwanag niya.Nitong Martes ng gabi, iniulat na binanggit ng isang isang pulis na kasama sa convoy ang pangalan ng PNP Chief nang sitahin sa EDSA busway sa Ortigas.Umalis kaagad ang convoy, pero kinalaunan ay may bumalik na sasakyan para kunin ang tiket sa nangyaring paglabag.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News