Bagaman itinuturing na hindi sumasalalim sa kabuuan ng higit 100 milyong Pilipino ang sentimyento sa resulta ng isang survey, nakikita pa rin ng Malacañang na may kinalaman ang fake news sa pagbaba sa trust at performance rating ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr.

Sa press briefing nitong Lunes, binigyan-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na 2,400 lang respondents o tinatanong sa survey.

''Nalaman po natin ang respondents dito ay 2,400.  So, sa 2,400 hindi naman po ito nagre-reflect ng sentimyento ng kabuuang more than 100 million people or Filipinos in the country. Dahil nga nakita at nabanggit natin itong mga fake news, sumasalamin din po ito sa impluwensya ng mga fake news na nagkakalat,'' ayon sa opisyal.

''Katulad ng sinabi, mayroon ngang findings na nabanggit ang Reuters at ito ay galing sa isang Israel-based, data intelligence firm of disinformation security firm 'the level of coordinated disinformation seen in the Philippines was far above the typical 7% to 10% range of online conversation globally about highly sensitive or polarizing issues,''' dagdag ni Castro.

Ayon kay Castro, kailangan din namang malaman ng administrasyon kung hindi nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang mga natanong sa survey.

''So, ang mga respondents ba na mga ito ay hindi nakakarating ang tulong ng gobyerno. So, dapat din po nating malaman ito sa parte ng administrasyon,'' aniya.

''At kung anuman po ang nagiging desisyon ng Pangulo at ng administrasyon at ito ay nagre-reflect sa isang survey, nanaisin pa rin po at ipapatupad pa rin ng Pangulo, kung ano ang nasa batas at kung ano ang tama at hindi kung ano po ang sasabihin sa isang survey,'' dagdag niya.

Sinabi rin ni Marcos na patuloy na magtatrabaho at maglilingkod sa mga tao ang pangulo.

Ayon pa kay Castro, nais ni Marcos na matigil ang pagkalat ng fake news.

''Basta ang direktiba po ng Pangulo sawatain, tigilan ang fake news. Marami na po hindi lamang po ang Pilipinas ang nagsasabi kahit po iyong ibang mga firms mula sa ibang bansa nagsasabi na po na dumadami po talaga ang fake news dito sa Pilipinas,'' dagdag niya.

''So, hindi na po ito biro dapat po talaga itong bigyan ng pansin,'' ani Castro.

Sa pinakahuling Pulse Asia survey, nakasaad na bumaba ang trust at performance ratings ni Marcos nitong Marso kumpara noong Pebrero.

Mula sa 42%  noong Pebrero, naging 25% ang approval rating ni Marcos noong Marso.

Pagdating sa trust rating, bumaba ito sa 25% noong Marso, kumpara sa 42% noong Pebrero.

Habang tumaa naman ang approval rating ni Vice President Sara Duterte sa 59% noong Marso, kumpara sa 52% to noong Pebrero.

Habang ang trust rating ni Duterte, tumaas pa sa 61% mula sa 53%. -- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News