Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang babae na limang-taong-gulang na maghahatid ng amang OFW, ang nasawi nang salpukin ng isang SUV ang ilang tao sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Linggo ng umaga.

"Mayroong dalawang namatay kasama na 'yung batang-batang five-year-old daughter ng OFW," pahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon sa Super Radyo dzBB.

"3 ang injured na dinala sa San Juan de Dios Hospital... Ang initial report, I think okay naman," dagdag nito.

Kabilang sa mga nasugatan ang ina ng batang nasawi, na magkasama sa airport para ihatid ang kanilang padre de pamilya na isang Overseas Filipino Worker (OFW).

"Nakakalungkot talaga 'yung nangyari. Nakikiramay tayo lalo sa OFW na namatayan ng anak niya ngayon. Masakit. Kausap ko ‘yung father kanina. Hinatid lang siya (OFW) nung anak niya, pamilya," ayo kay Dizon said.

Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), na namamahala sa operasyon ng NAIA, apat ang sugatan sa insidente.

Sinabi ng NNIC na nagkakaloob ng tulong ang kompanya at ang presidente nitong si Ramon Ang, sa mga biktima ng insidente.

Ayon sa Philippine Red Cross (PRC) na nagpadala ng ambulansiya at mga tauhan sa lugar ng insidente, at adult male ang isa pang biktimang nasawi.

Sinabi naman ni Dizon na nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng SUV, na isinailalim na ng Land Transportation Office (LTO) sa 90-days preventive suspension ang driver’s license.

Idinagdag ni LTO chief Vigor Mendoza II na naglabas din sila ng show cause order laban sa may-ari ng SUV at sa driver nito.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad batay sa kuha ng CCTV camera, lumilitaw na hindi intensiyon ng driver na managasa ng mga tao sa NAIA.

"Rineview din namin ang CCTV kaya ako nagtagal kaunti. ‘Yung driver ay may inihatid na pasahero. Right now, initially, mukhang [hindi] pumunta ‘yung driver para managasa. Hindi intentional," anang opisyal ng LTO

Paliwanag umano ng driver, nag-panic siya nang may biglang dumaang sasakyan sa kaniyang harapan. Sa halip na preno, selinyador umano ang kaniyang naapakan.

Gayunman, lumilitaw sa video footage na walang sasakyang dumaan sa harapan niya nang mangyari ang insidente.

“(H)e told the police that he was about to leave the departure area after sending off a passenger when a sedan suddenly passed in front of him,” saad sa pahayah.

“This sent him to panic and instead of the brakes, he stepped on the gas pedal. As a result, two people died and three others were injured,” dagdag nito.

Inihayag din ni Dizon, na lumalabas sa paunang pagsusuri sa mga pangyayari na hindi pakay ng driver na managasa ng mga biktima.

“‘Yung driver ay may hinatid na pasahero. May isa siyang pasaherong hinatid at pagkababa ng pasahero, tinulungan niyang ibaba ‘yung bag ng pasahero, pumunta na ‘yung pasahero papasok ng NAIA at dun na, biglang nakita namin ‘yung sasakyan na rumagasa,”anang kalihim sa ulat ng “24 Oras Weekend” nitong Linggo.

“So right now, initially, mukha namang hindi pumunta dito ‘yung driver para managasa. Hindi intentional, dahil nga nakita na meron talaga siyang hinatid na pasahero dito,” sabi pa ng kalihim.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang driver. 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nagyari. —FRJ, GMA Integrated News