Kinumpirma ng lalaking nagsampa ng reklamo laban kay Davao City Rep. Paolo Duterte ng ng umano'y pananakit at pagbabanta, na siya at ang kongresista ang nasa viral video habang nasa loob ng isang club.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Kristone John Patria Sion na isinumite niya ang video sa Department of Justice. Pero itinanggi niya na siya ang nagpapakalat ng video sa online.

“Dami yung nag-a-ano sa akin sa Facebook, gusto ko i-clear na yung video, hindi planted or AI,” ani Sion.

Sa video, makikita ang isang lalaki na may hawak ng patalim na sinasaktan ang lalaking may suot na cap.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya si Sion, na inamin din na nagdadala siya ng babae sa kaniyang mga "kliyente."

Ayon kay Sion, February 22 nang magpakuha ang "contact" niya ng ilang babae para sa bisita nito, kabilang si Duterte, na kaniya namang ginawa.

Matapos umano ang pulong kay Duterte, nagpunta raw ang grupo sa isang bar dakong 1 a.m. ng February 23.

Ayon kay Sion, nagalit si Duterte nang malaman nito na may kasama siyang hindi nabigyan ng partner.

Lalo pa umanong nagalit si Duterte nang magkaroon ng problema sa bayad sa mga babae at kinompronta siya.

Sinabi ni Sion na hindi kaagad siya lumantad dahil naghanap muna siya ng katibayan sa nangyari sa kaniya.

Nagkataon lang daw na natapat ang paglutang niya sa panahon ng halalan.

Kusa rin umano ang ginawa niyang paghahain ng reklamo laban kay Duterte.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag si Duterte, pero nauna na niyang sinabi na inaalam ng kaniyang mga abogado kung tunay ang video. –FRJ, GMA Integrated News