Isiniwalat ng whistleblower sa kaso ng nawawalang mga sabungero na ilang pulis ang naka-payola o nakatatanggap ng pera mula sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang. Ang isa umanong kolonel, umaabot sa P2 milyon kada buwan ang kinukubra.

Sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing ibinigay ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, kamakailan sa mga awtoridad ang kopya ng “petty cash vouchers” na tila resibo ng patunay ng halagang ibinibigay umano sa mga pulis.

Una rito, isiniwalat ni Patidongan, o alyas Totoy, isa sa mga akusado sa kaso ng missing sabungeros na nais nang maging testigo, na may mga pulis na sangkot sa kaso na siyang kumukuha at pumapatay sa mga biktima.

Mula sa sabungan, dinadampot umano ang mga sabungero na pinaghihinalaang sangkot sa pandaraya o nangtitiyope ng laban. Sa naturang modus, sadyang ipinapatalo umano ang dalang manok ng sabungero at tataya sa kalaban.

Isiniwalat din ni Patidongan, dating caretaker sa mga farm ng mga manok ni Ang, na patay na umano ang mga nawawalang sabungero at itinapon umano ang mga bangkay sa Taal lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.

Ayon sa whistleblower, bukod sa buwanang payola, binabayaran umano ang kasabwat na mga pulis sa bawat tatrabahuhing sabungero. Ang isang police unit, nakasaad sa voucher na tumanggap umano ng  P2.6 milyon.

“Intel lang kasi nakalagay doon. Kapag sinabing intel, yun na yung P500,000, yun na yung bayad sa mga pinatay nila. Yung overall naman na kinukuha ng isang colonel, ang monthly niya ay P2 million,”sabi ni Patidongan.

Nangako si Patidongan na paninindigan niya ang kaniyang mga sinasabi sa korte.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag si Ang at Philippine National Police kaugnay sa mga bagong sinasabi ni Patidongan.

Pero nauna nang itinanggi ni Ang ang mga alegasyon ni Patidongan, na tinangka umano siyang kikilan ng P300 milyon.

Samantala, sinabi naman ng Justice Secretary Crispin Remulla, na tukoy na ang 15 pulis na sinasabing sangkot sa kaso ng nawawalang mga sabungero at naka- restricted duty na umano.—GMA Integrated News