Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki na pinagtulungan ng dalawang suspek na patayin sa gitna ng kalsada at sa harap ng maraming tao sa Pasig City. Ang hinihinalang ugat ng krimen, love triangle.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage na tumatakbo ang biktima nang abutan siya ng dalawang suspek sa gitna ng abalang kalsada.

Unang pinalo ng isang suspek ang biktima, at pagkaraan ay inundayan ng saksak ng isa pang suspek.

Matapos nito, tumakas ang dalawa at naiwang nakahandusay sa gitna ng kalsada ang biktima na binawian ng buhay.

“Isang saksak lang [na] fatal ang tama, sa likod. Sa lakas ng pagkakasaksak, naiwan pa ‘yung kitchen knife na ginamit sa krimen doon sa bangkay,” ayon kay Police Colonel Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig City Police Station.

Naaresto kinalaunan ang suspek na sumaksak sa biktima, habang patuloy na hinahanap ang isa pa.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dating karelasyon ng kinakasama ng nadakip na suspek ang biktima.

Nahuli umano ng suspek ang kinakasama nito na ka-chat ang biktima, na hinihinalang dahilan ng krimen.

“Love triangle ito,” ani Mangaldan.

Nakipag-ugnayan umano ang babae sa pulisya na nagtapat na dati niyang nobyo ang biktima pero matagal na raw silang hiwalay.

“After nung hiwalayan, may mga death threat na ginawa itong suspect sa ating biktima,” sabi pa ni Mangaldan.

Ang babae rin umano ang nagturo sa kinaroroonan ng suspek, at handa ring tumayong testigo.

Pero ang suspek, iginiit na, “Biktima lang din po ako dito. Sa korte na lang po ako magpapaliwanag.”

Umapela rin siya sa kinakasama na, “Ituro niya yung talagang mismong umano doon, hindi yung ako. Wala akong kinalaman dito.” — FRJ GMA Integrated News