Ang pagiging gipit sa pera ang isa sa mga pinaniniwalaang dahilan kaya nangholdap umano ng convenience store sa Marilao, Bulacan ang isang pulis na nakatalaga sa Caloocan, na napatay ng mga rumespondeng awtoridad. Inaalam din kung may kinalaman ang nasawing pulis sa iba pang katulad na insidente ng holdapan sa lalawigan.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkles, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Major Hazel Asilo, na maaaring problema sa pera ang nagtulak sa suspek para gawin ang krimen.

“Mayroon silang previous na business na nalugi nung time ng pandemic. So ‘yon ‘yung possible na reason kung bakit nagkaroon siya ng pagkagipit sa pera. Ano na siya, sagad na siya sa loan,” ani Asilo.

Kaugnay nito, inihayag ni Police Colonel Angel Garcillano, director ng Bulacan Provincial Police Office (PPO), na nakatitiyak sila na ang nasawing pulis ang nangholdap sa convenience store base sa mga ebidensiya.

Kabilang dito ang motorsiklo na ginamit sa krimen na nakapangalan sa pulis, ang kasuotan na narekober na kapareho ng gamit ng suspek na nangholdap, at mga pera na tinangay mula sa convenience store na narekober din sa motorsiklo.

“We have the affidavit of the crew ng convenience store. And let me inform everybody na noon pong nagkaroon ng dragnet operation, ‘yun pong crew ng convenience store was present inside the patrol car. So kasama po siya. Kaya po nung nag-overtake po ‘yung motor ng suspek at ‘yung suspek, ‘yun po ‘yung time na sinabi ng biktima, ‘yung crew, na ito po ‘yun,” ani Garcillano.

Nasawi ang pulis na suspek matapos umanong makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa holdap.

Ayon sa NCRPO, walang derogatory record sa kanila ang nasawing pulis. Gayunman, hindi kasama rito ang mga iniimbestigahan ng Bulacan-PPO na mga insidente na posibleng sangkot din ang nasawing pulis.

“Mayroon pong mga similar activities involving the same person. Ito po ay sa part ng Marilao, part ng sa boundary ng San Jose Del Monte and part ng Meycauayan. Coffee shops, may mga gasoline stations at ‘yun nga po yung convenience store,” ani Garcillano.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawing pulis. — FRJ GMA Integrated News