Arestado ang isang lalaki nang pagsusuntukin at paluin niya pa sa ulo ang kaniyang live-in partner matapos silang magtalo dahil sa P100 na ipinambili umano ng suspek ng ilegal na droga sa Quezon City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang isang larawan na kalong-kalong pa ng 31-anyos na suspek ang kanilang batang anak matapos umano niyang bugbugin ang 25-anyos niyang kinakasama nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, kauuwi lang ng babae mula sa trabaho nang hindi niya magustuhan ang kaniyang dinatnan.
“Nakita po niya itong kagamitan nilang mag-ina na nakatapon sa basurahan. Kaya doon po ay nagsimula pong magkaroon sila ng sumbatan nitong kaniyang live-in partner. Dahil po doon ay uminit po 'yung ulo ng ating suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jefry Gamboa, QCPD Holy Spirit Police Station Commander.
Hanggang sa pinagsusuntok na umano ng suspek ang babae at humantong pa ito sa pamamalo sa ulo ng biktima.
“Noong una kasi pinagbubugbog siya (biktima). Tapos 'yun nga, nakahanap siya (suspek) ng pamalo, 'yung ginagamit sa panlaba. So nakuha nitong suspek natin at 'yun naman ang pinampalo sa ulo,” sabi ni Gamboa.
Nag-ugat umano ang krimen dahil sa pagtatalo nila dahil sa P100.
“Nabalitaan ng biktima natin na allegedly ginamit itong P100 sa pagbili niya ng ilegal na droga. At kinabukasan naman dahil itinapon ang kagamitan nilang mag-ina sa basurahan. Hindi naman nakainom itong suspek natin. Hindi naman nagalaw ang anak po. Hindi naman nadamay ang anak,” sabi ni Gamboa.
Hindi na pumalag ang suspek nang dakipin ng mga awtoridad.
“Binalik rin naman sa kaniya 'yung P100. Hindi ko tinapon 'yun sir. Nasa labas lang ng pinto namin. Aksidente lang ‘yun, ‘di pinalo… Nag-aagawan po kami, ngayon pagkahatak niya sa akin, dumiretso sa kaniya,” anang suspek.
Sinampahan ang suspek ng reklamong paglabag sa Batas Kontra Karahasan Laban sa Kababaihan at Kabataan.
Natuklasan din ng pulisya na may standing warrant of arrest ang lalaki noong 2018 para naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
