Limang lalaki ang nang-holdap ng isang jeep at natangay ang mga pera at cellphone ng mga pasahero sa Tondo, Maynila. Ang passport ng isa sa mga pasaherong bibiyahe sana abroad, nakuha rin.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang pagbaba ng limang lalaki mula sa pampasaherong jeep sa Tayuman Street, Barangay 154 pasado 7 p.m.
Ilang saglit pa, pumasok ang mga lalaki sa gate ng supermarket samantalang dumiretso ang jeep at kumaliwa ng Juan Luna.
Sinabi ng Barangay 55 na hindi gaanong makita sa kanilang CCTV pero mga holdaper pala ang mga lalaking bumaba mula sa jeep.
Ayon sa isa sa mga biktima sa barangay, nanggaling sa isang mall sa Santa Cruz ang jeep at papunta ng Pritil. Hanggang sa isa sa mga salarin ang sumakay sa bahagi ng Dagupan Street.
“Nag-declare ng hold-up paglagpas po ng Dagupan. Biglaan, marami sila sa loob ng jeep. May mga pera, cellphone, kasama po pa ‘yung ibang mga gadget ng pasahero,” sabi ni Clodualdo Frago, ex-o ng Barangay 55.
Maliban sa mga cellphone, nakuha rin ng mga salarin ang passport ng isa sa mga biktima na gagamitin niya pa sana nitong umaga.
“Papuntang Indonesia ‘yung isa sa mga na-hold up,” sabi ni Frago.
Lumabas sa imbestigasyon ng Jose Abad Santos Police Station na posibleng nakasakay na ng jeep ang apat sa limang salarin sa bahagi pa lamang ng mall sa Santa Cruz, at may mga patalim.
Wala pang linaw sa kasalukuyan kung ilan ang nabiktima dahil isa pa lang ang lumalapit sa kanilang tanggapan.
Sinabi ng Manila Police District na nakikipag-ugnayan na sila sa management ng supermarket para makakuha ng kopya ng CCTV at makita nang malinaw ang mukha ng mga suspek at ang direksyon na kanilang pinuntahan. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News
