Nasa kritikal na kalagayan ang isang 15-anyos na babae matapos siyang undayan ng saksak ng dati umano niyang ka-live in sa Barangay Holy Spirit, Quezon City. Nabuntis umano ng 26-anyos na suspek ang biktima noong 13-anyos pa lang siya.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang paglalakad ng menor de edad na biktima kasama ang isang lalaki sa AFP Road pasado 8 p.m. noong Huwebes.
Ilang saglit pa, isang lalaking may hawak na kutsilyo ang biglang sumulpot at inatake ang babae.
Nakatakbo pa ang babae palayo ngunit sinundan siya ng lalaki, habang maririnig ang mga sigaw sa ‘di kalayuan.
Tiyempo namang dumaan ang mobile ng Barangay Holy Spirit at agad rumesponde sa kaguluhan.
Ilang saglit pa, inaakay na ang babae papunta sa barangay mobile, na inundayan na pala ng saksak ng lalaking dati niyang ka live-in.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinaghiwalay ng magulang ng biktima ang dalawa dahil menor de edad pa ang babae.
Minasama umano ito ng suspek, na humantong sa pananaksak.
“Dahil hindi na sila nagsasama, parang gusto makipagbalikan ng lalaki sa kaniya, ayaw na rin ng babae. Pinuntahan siya ng lalaki, na ex-live-in partner niya. Nagkaroon sila ng ‘di pagkakaunawaan, hanggang sa nasaksak siya ng suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros, Commander ng QCPD Station 14.
Nasa ICU pa ang biktima matapos magtamo ng mga saksak sa mukha at balikat.
Natunton sa follow-up operation ang suspek, na natutulog sa labas ng bahay sa Matandang Balara.
Sinabi ng suspek na matinding selos ang ugat ng krimen, pero hindi ang kaniyang ex-live-in partner ang kaniyang target, kundi ang lalaking kasama nito noong gabing maganap ang insidente.
“Siguro ‘di ko na nakontrol sarili ko, sir. ‘Di ko na alam na pinagsasaksak ko na pala siya. Sorry sa nagawa ko. Dala lang talaga ng selos, paghihimutok,” sabi ng suspek.
Desidido ang nanay ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.
“Kritikal pa po ‘yung anak ko. Kailangan po makulong siya talaga,” sabi ng nanay ng biktima.
Galit din siya sa suspek nang mabuntis nito ang noo’y 13-anyos pa lang niyang anak.
“‘Yung anak ko po, 13 years old pa lang po ‘yan. Tinangay niya po ‘yan, dinala niya po ng Samar. Tatlong beses po yan nangyari,” sabi ng nanay.
“Noong nabuntis, napasubo na po ako. Pinanindigan ko na po, pero ayaw ng magulang eh,” sabi ng suspek.
Nakapiit na sa QCPD Station 14 ang suspek, na mahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004, statutory rape, at frustrated homicide. — Jamil Santos/VBL GMA News
