Sugatan at nadakip ang tatlong suspek na bahagi umano ng malakihang robbery-holdup sa Luzon, matapos silang makipagbarilan sa pulisya sa Bocaue Toll Plaza ng North Luzon Expressway.
Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, maririnig sa kuha ng isang netizen ang magkakasunod na putok ng baril sa nasabing toll booth mag-6 p.m. ng Biyernes.
Ilang unipormado ding lalaki ang namataan.
Sa isa namang dash cam video ng isang motorista, dumating ang mga taga-SWAT na nakikipagbarilan sa kanilang target.
Makaraan ang ilang minutong engkuwentro, nakorner ng pulisya ang van ng mga suspek, na tadtad ng mga tama ng bala.
Nakasagupa ng mga suspek ang mga taga-Police Regional Office 3.
Nakabilanggo na ang dalawa sa mga suspek sa Bocaue Police Station habang nasa ospital pa ang isa.
Sinusubukan pa ng GMA News na makunan sila ng pahayag.
Sinabi ng pulisya na sangkot ang mga suspek sa mga serye ng pagnanakaw sa ilang minimart sa Pampanga, Tarlac, Pangasinan at Batangas.
Hinihinala ang mga suspek na nanloob sa minimart sa Victoria na nahuli-cam nitong madaling araw ng Hunyo 24.
Isang van ang pumarada sa tapat nito na sakay ang mga magnanakaw na pinilit buksan ang roll-up door. Sunod na pinunterya ng mga suspek ang electric box para mapatay ang CCTV nito.
Nakunan din nitong Hunyo 22 sa CCTV ang kaparehong van sa Magalang, Pampanga, kung saan nilooban ang isa ring convenience store at natangayan ng P700,000 na kita.
“Nagkaroon tayo ng follow-up operation at sila po ay na-track natin at sinundan ng ating mga tauhan. Nagkaroon tayo ng dragnet operation na nagresulta po ito sa armed confrontation. Armado ito at sila ay bumibiktima at lumalakad na walang mga armas. At siyempre, naalerto sila dahil ang ating kapulisan ay nakapwesto na sa lahat ng exits ng NLEX. At dito nga natin naabutan dito sa lugar na ito,” sabi ni Police Colonel Jay Baybayan, Provincial Director ng PNP Bulacan.
Isang .45 pistol at isang 9mm pistol ang narekober sa mga suspek, pati na rin tatlong granada, isang flashbang, pitong sachet ng hinihinalang shabu at anim na pakete ng hinihinalang marijuana.
Sinabi ng Bulacan Police na galing sa malaking grupo ng robbery hold-up sa Calabarzon at Central Luzon ang mga suspek at naghahasik din sa NCR at ilang parte ng Region 1.
“Mayroon din silang ninakawan sa parte ng Region 1 at dito po sa NCR po. Palipat-lipat po sila,” sabi ni Baybayan.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung may iba pa silang kasabwat at kung sangkot din sa iba pang pagnanakaw sa ibang bahagi ng bansa. — Jamil Santos/VBL GMA News
