Sa pagdiriwang ng Pride Month nitong Hunyo, inihain sa Kongreso noong Hunyo 23 ang isang bill para kilalanin ang lived identities ng mga miyembro ng LGBTQ+ community na tinatawag na “Sharmaine Bill.” Ano nga ba ang nakapaloob sa panukalang batas na ito?
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing inihain ng Akbayan party-list sa House of Representatives ang House Bill No. 9929, o ang Lived Identities Recognition Bill, na mas kilala bilang “Sharmaine Bill.”
Matatandaang nagmula ang pangalang “Sharmaine” mula sa viral video ng isang orange na nais palitan ang kaniyang pangalan para maging Sharmaine.
Sinabi ni Akbayan Rep. Perci Cendaña, kung kayang kilalanin ng publiko ang hinaing ng isang viral na orange para magpalit ng pangalan, layon ng Sharmaine Bill na magkaroon din ng kagayang pag-unawa para sa mga transgender, intersex at non-binary na miyembro ng komunidad.
“Kung tayo ay nakaramdam ng compassion o nakaramdam tayo roon sa hugot ni Sharmaine na gustong palitan ‘yung kaniyang pangalan, sana may gano’n din tayong compassion at pagkilala roon sa pangangailangan for gender recognition, lived identity recognition noong mga kapatid nating trans people. Kung sa orange, nakaramdam tayo ng pang-unawa, sana mas malaking pang-unawa 'yung maramdaman natin sa kapwa nating tao,” sabi ni Cendaña.
Nakalatag sa Sharmaine Bill ang mga probisyong pumapayag na palitan ng isang indibidwal ang kaniyang pangalan at gender marker base sa kaniyang gender identity, o “deeply felt internal and individual experience of gender” ng isang tao.
Nakasaad din sa bill ang pagtatatag ng isang “administrative mechanism” para kilalanin ang name change ng mga sumusunod:
- mga transgender at non-binary individual na gustong iangkop ang kanilang pangalan sa kanilang lived identity
- mga intersex, o mga taong may sex characteristics na hindi tipikal sa depinisyon ng isang male or female na nakaranas ng initial sex misclassification
- at mga victim-survivor ng gender-based violence na nais magpapalit ng pangalan para sa kanilang kaligtasan at mental health.
Sa ilalim ng panukalang batas, papayagang mag-apply para sa name change ang mga indibidwal na edad 18 pataas.
Kailangan lang nilang magsumite ng mga requirement gaya ng sworn affidavit na nagsasaad ng rason para sa name change at panunumpang walang “fraudulent intent” ang hiling na pagpapalit ng pangalan, at ilang mga supporting document tulad ng PSA birth certificate, affidavit ng mga witness na nagpapatunay sa paggamit ng lived name ng aplikante, clearance mula sa law enforcement agencies, at iba pa.
Iminumungkahi rin ng Sharmaine Bill na magkaroon ng gender recognition sa pamamagitan ng pagkakaroon ng gender marker option na “non-binary.”
Batay sa panukalang batas, kailangang itakda at ipatupad ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang nararapat na administrative procedure para iproseso ang application for gender recognition ng mga indibidwal na edad 18 pataas.
Kapag naaprubahan ng PSA ang application, dapat makuha ng aplikante ang Certificate of Name Change or Gender Recognition nito at ang kaniyang updated PSA birth certificate na walang anumang annotation tungkol sa name change.
At gamit ang updated PSA birth certificate na ito, iminumungkahi pa ng panukalang batas na dapat payagan na ang isang indibidwal na i-update ang iba pa niyang legal records gaya ng passport, lisensiya, educational records, employment records, bank accounts, medical records at iba pa.
Ayon kay Cendaña, sa pamamagitan ng inilatag na proseso sa panukalang batas, mas mapapadali ang pagpapalit ng pangalan at gender marker para sa mga Pilipino.
“Sa ngayon kasi napakahabang proseso, costly at matagal ‘yung pagpapalit ng pangalan at masalimuot pa, mas complicated pa ‘yung pagpapalit ng gender marker. So gusto nating i-simplify, i-streamline para maka-access nito ‘yung mas marami nating mga kababayang transgender persons, intersex Filipinos at ‘yung mga non-binary na mga kababayan natin. So to streamline the process, mas pasimplehin, bawasan ‘yung bureaucratic obstacles.”
Dagdag niya, madalas nakararanas ng ridicule at discrimination ang mga indibidwal kapag hindi tumutugma ang kanilang pangalan sa kanilang lived identity.
“So imagine, halimbawa mag-a-abroad ka o pupunta ka sa ibang bansa, pagdaan mo ng immigration, ang nakalagay sa iyong passport ay male, pero kapag tiningnan ka ay mukha ka talagang babae because you lived as a woman. At ‘yung pangalan mo pangalang panglalaki ‘yung nakalagay. So madalas nagiging dahilan pa ito ng unnecessary problems para sa ating mga kapatid na transgender persons,” anang mambabatas.
Bukod pa rito, nakararanas din ng mga transgender at intersex individuals ng pangungutya at diskriminasyon kapag pumipila para sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno.
“Kahit in the availment of government services, alam naman natin kapag pipila ka sa government services ‘di ba? Bago i-issue, halimbawa, ang isang dokumento, uupo ka doon nang matagal tapos tatawagin ‘yung pangalan mo at saka lalapit ka sa counter. So you live as a woman, you identify yourself as a woman at meron kang lived name as opposed to your dead name,” ani Cendaña.
“Pero dahil nga nakalagay sa legal documents ay iyong dead name, tatawagin ka sa PA system by your dead name at saka ka ngayon tatayo, ang tawag namin dito ‘walk of shame,’ at lalapit doon sa counter para tanggapin ‘yung dokumento mo habang pinagbubulungan ka at pinagtatawanan ng mga taong dinadaanan mo,” pagpapatuloy niya.
Ang mga ganitong karanasan ang nais maiwasan at matigil kapag naipasa ang Lived Identities Recognition Bill.
Bagama’t hindi pa ito ganap na nagiging batas, dapat umanong magkaroon na ng mga inisyatibo sa mga indibidwal at mga institusyon para kilalanin ang lived identities ng mga miyembro ng LGBTQ+ community.
“‘Yung pwede nating gawin bilang mga indibidwal at bahagi ng komunidad habang nasa proseso pa tayo ng pagpasa ng Sharmaine Bill is for us to exercise sensitivity. Kilalanin natin 'yung lived identities ng ating mga kababayan,” sabi ni Cendaña.
“So, as simple as pag-refer sa kanilang lived name is very important. So as individuals, as institutions, maaaring sa mga opisina, sa mga eskuwelahan, simulan na nating gamitin ‘yung lived identity. Simulan na nating gamitin ‘yung lived name noong ating mga kasamahan sa trabaho, noong ating mga estudyante,” dagdag niya. — VBL GMA News
