Sugatan ang isang 15-anyos na lalaki matapos saksakin ng ice pick ng nakaalitang kapwa menor de edad sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa ulat ng “24 Oras Weekend,” nangyari ang komosyon noong Biyernes sa Barangay San Manuel kung saan nagpang-abot ang grupo ng biktima at ng suspek.
May dala raw na ice pick ang isa sa mga kasamahan ng biktima. Saglit na umalis ang kalabang grupo, ngunit pagbalik ay may dala na rin itong ice pick. Na-corner ang biktima at sinaksak.
“Halos mamatay na po siya, naapektuhan ang baga,” saad ng ina ng biktima na kasalukuyang nasa Tala General Hospital.
Dagdag pa niya, nagpaalam lang ang anak na dadayo sa kabilang subdivision para tumambay, pero hindi niya alam na nag-inuman pala ang anak at mga kaibigan nito.
“Nag-request ako ng CCTV footage at ipinakita naming doon sa nag-blotter na bata na hindi naming alam na suspect. Noong ipinakita naming sa kaniya, ang sabi niya, ‘hindi ice pick yan, five fingers,’ hanggang sa umamin na sya, na-corner na po siya, kasi siya iyong may hawak ng pansaksak,” ayon kay Gilbert Agpalo Baptista, chairman ng Bgy. San Manuel.
“Base sa aking pagsasaliksik, meron na silang alitan dati,” dagdag pa ni Baptista.
Ayon naman sa ina ng biktima, hindi raw kilala ng anak ang nanaksak sa kanya.
Kasalukuyang nananatili sa Bahay Pagasa ang suspek.
Ayon sa pulis, paiigtingin pa nila ang pagroronda sa lugar na kinasasakupan. —LDF GMA News
