Sa kuha ng video, nagkawasak-wasak ang motorsiklo sa gilid ng Payatas Road sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal pasado ala una ng hapon nitong Miyerkules.
Ang Rider, tumilapon sa damuhan sa may railing ng kalsada.
Humambalang naman sa gitna ng Payatas Road ang isa pang motorsiklo na ang Rider, kitang duguang humandusay at naghihingalo sa gilid ng kalsada.
Yan ay matapos silang araruhin ng isang dump truck na bumulusok sa pakurbang bahagi ng Payatas Road.
Ayon sa pulisya, ang biktimang naipit sa salpukan, trabahante sa isang pharmaceutical company na katatapos lang magdeliver sa beterinaryo sa isang zoo.
Ang isa naman, na nabalian ng binti at paa, tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na naka-assign sa Quezon City Jail.
Isinugod sila sa ospital pero binawian din ng buhay kalaunan.
Ligtas naman ang pahinante at truck driver na inaresto ng pulisya.
Ayon sa driver, bumiyahe sila mula tagaytay patungong Rodriguez, izal para maghakot ng graba.
Iginiit niyang nawalan siya ng preno sa minamanehong 10-wheeler.
“Pagliko po sa may ibabaw pa lang po, nawalan na po ako ng preno, ginawa ko naman po lahat ng makakaya ko para po may maiwasan kaso nga lang po hanggang dun lang po sagad na sagad na po yung liko ng truck,” sabi ng driver.
"Sa pamilya po humihingi po ako ng tawad, Hindi ko naman po kagustuhan yung nangyari," dagdag niya.
Sasampahan ang truck driver ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Ayon sa pulisya, prone to accident ang pinangyarihan ng insidente. Pinag-iingat ang mga motoristang dumaraan lalo na ang mga kargadong mga truck. —VAL GMA News
