Arestado ang siyam na lalaki sa pagnanakaw ng mga kable ng telecom companies sa Chino Roces Avenue Extension sa Makati City. Habang tumatakas sakay ng van, isang motorsiklo ang nabangga nila at nasawi ang rider nito.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing kasama sa mga nadakip ang dalawang menor de edad.

Sinabi ng pulisya na may nag-ulat sa kanila na isang concerned citizen tungkol sa mga taong lumabas mula sa isang manhole bago sumakay sa closed van.

Habang hinahabol ng mga awtoridad ang mga suspek, nasalpok ng kanilang closed van ang isang motorsiklo.

Nasawi ang rider habang sugatan ang kaniyang angkas.

Nang pabuksan ang pinahintong closed van, doon na tumambad ang mga lalaki at mga ninakaw na kable at mga tools.

Nakatakdang maharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013, at reckless imprudence resulting to homicide and physical injuries.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga suspek, ayon sa ulat.—Jamil Santos/FRJ GMA News