Magiging kabahagi ang Kapuso star na si Janine Gutierrez sa pagpapalaganap ng impormasyon upang mapangalagaan ang kalikasan matapos siyang napiling Youth Ambassador para sa Earth Hour.

Sa Starbite report sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabi ni Janine na marami siyang natutunan kung paano pangangalagaan ang kalikasan.

"Pag-iwas ng paggamit ng plastic, pagdala ng sariling eco bag 'pag mag-go-grocery or puwedeng magdala ka ng tupperware kung balak mong bumili ng pagkain," ayon sa aktres.

Sa Marso 24 gaganapin ang Earth Hour kung saan hihikayatin ang mga tahanan, tanggapan at mga establisimyento na patayin ang kanilang mga ilaw sa loob ng isang oras sa ganap na 8:30 p.m.

Samantala, summer na ang dating ni Janine nang mag-cover girl siya para sa Preview Magazine.

Matitingkad na yellow at blue-green na bikini ang suot niya sa beach, samantalang cotton candy pink naman ang kulay ng kaniyang buhok.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News