Bilang isang gay singer, nais ni Nar Cabico na makagawa ng kanta na aawitin ng dalawang lalaki bilang suporta sa pagmamahalan ng mga same sex couple.

Inihayag ito ni Nar matapos na pumirma siya ng kontrata sa GMA Music nitong Huwebes.

Nakapaglabas na ng kaniyang mga single si Nar, ngunit masaya siyang nasa ilalim na siya ngayon ng isang recording company, kung saan mas may pagkakataon pa siyang makabuo pa ng maraming kanta.

Pinaplano na rin ang pagbuo niya sa kaniyang album.

"Parang 'yung theme ng buong album, it's gonna be very narrative. It's a mix of the OPM classical sounds pero with my own musical influences, like Jazz, Soul, R&B, Pop, at the same time, series of monologues turned into songs. Ang working title ko for the album is 'Eksena' because every song is like a quick scene sa buhay natin, parang isang splice ng moment sa buhay. So parang narrative siya na highly specific. May love song, may songs for moving on, may songs of hope, may songs of friendship," paliwanag niya.

Bago pa man pumirma, nakapag-release na si Nar ng ilang single, tulad ng Gaga (2017), Natapos Tayo (2018), LDR (2018) at You Won't Stop (2018).

"And meron nga akong, sana matuloy na 'yung, parang wala pa yatang gumagawa ng duet between two men. I think it's time because we have same sex couples na want to express their love. And ako, isa 'yun sa mga talagang proud ako na they signed me, knowing that I'm an out artist and so gusto kong i-express 'yung love and give it back," sabi ni Nar.

Handa naman daw si Nar na tanggapin ang ilang mga pagpuna.

"I'm sure may mga magre-react, pero I'm not doing it for them, I'm doing it for the people who are longing for representation ng music nila," aniya.

At dahil ito ang kaniyang isinusulong, inihayag niya ang artist na gusto niyang maka-collaborate.

"Ang naisip ko, si kuya Mark Bautista. Kasi meron kaming... gusto naming mag-collab and meron akong song na isinulat na bagay sa kaniya. So sana pumayag siya. We'll see."

Kung matutuloy na magkasama sila ni Mark sa isang awitin, nais daw ni Nar na love song ang kanilang gagawin.

"I wanted it to be like a love song talaga about partnership and a love song about staying together 'til the very end. Because I'm also surrounded by couples na matagal nang successful. Gay men who are loving and living together. And I think it's time na I just write something. 'Cause I'm also married myself. Iba 'yung ligaya kapag na-e-express mo 'yung pag-ibig," ayon kay Nar.

GMA Music artist

Nagpasalamat si Nar sa tiwalang ibinigay sa kaniya ng Kapuso network.

"Medyo scared din kasi siyempre I don’t want to disappoint the network and the investment na ibinigay nila sa akin. So yeah, kagabi hindi ako makatulog, but ngayon, I think I’m ready to accept the challenge," aniya.

 

 

"Una, when I got the inquiry na may interest sila to handle me sa music ko, pina-process ko. Una, kinilig. Definitely kinilig kasi parang when I released the original music, I really didn’t know what to expect," kuwento pa ni Nar.

Dati nang inihayag ni Nar na wala siyang partikular na genre, at gusto niyang gumawa ng "buffet of sounds, a buffet of music."

"So I guess after a year or two years, a year and a half with them distributing my work, I’m just happy that they’re willing to take the risk. Hindi naman po ako ‘yung tipikal na musician na balladeer. So I’m happy and sabi ko talaga noon, I guess time is really your friend, like kinailangan ko lang pong hintayin 'yung time, para maging mas hinog ako, mas makilala kung anong klaseng artist ba talaga ‘yung gusto kong maging. And at the same time I'm happy na its with my mother network, GMA." -- FRJ, GMA News