Sa programang "Tunay Na Buhay," muling binalikan ang buhay ng tinaguriang "The Lion of Theater" na si Antonio "Tony" Mabesa, na nagpakita ng labis na pagmamahal sa pelikula at teatro.
Pumanaw si Tony nitong nakaraang Biyernes sa edad na 84.
Ipinanganak noong Enero 27, 1935, bunso si Tony sa limang magkakapatid. Bata pa lang ay naging mahilig na rin ito sa pag-arte dahil sa pagkamulat niya sa mga live shows at pelikula, ayon sa pamangkin niyang si Mayenni Oca.
Naging ama at founding artistic director si Tony ng Dulaang UP, ang organisasyon na nakadiskubre pa ng maraming mahuhusay na aktor ngayon sa industriya.
"Lion because he is fierce, he is determined, he is disciplined and he is so focused. When he has a target, he doesn't dillydally, 'pag attack, attack talaga. Pero sabi niya, 'Kahit bato kayo, magaspang na bato, puwede ko kayong gawin na diyamante kung magtatrabaho kayo," paliwanag ni Dr. Alexander Cortez, dating Artistic Director and Managing Director ng Dulaang UP/UP Playwrights' Theater, tungkol kay Tony.
Huling napanood si Tony sa pelikulang "Rainbow's Sunset" kasama ang pumanaw na ring beteranong aktor na si Eddie Garcia. Sa naturang pelikula ay itinanghal siya bilang Best Supporting Actor ng Metro Manila Film Festival.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--Jamil Santos/FRJ, GMA News
