Umapela ng tulong sa kaniyang followers ang internet sensation na si Dante Gulapa, na nakilala sa social media bilang "Big Papa" at sa kaniyang "eagle dance," upang makahanap ng trabaho at nang masuportahan niya ang kaniyang mga anak.

“Magtatanong lang po ako, baka may alam kayo pwede ko apply-an na trabaho, mga idol,” saad ni Dante sa Facebook post nitong Lunes.

“Hirap ng buhay ngayon,” dagdag niya.

Ayon kay Dante, natigil umano ang trabaho niya sa mga event dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sinabi rin ni Dante na bumukod na muna siya o humiwalay sa kaniyang asawa dahil lagi silang nag-aaway.

“Para may pang-suporta naman po ako sa mga anak ko. PM (private message) lang ninyo idol kung may alam po kayo,” hiling ni Dante.

Mayroon naman daw siyang mga pautang mula sa kaniyang kita noon pero hindi raw siya nakakasingil.

Aminado naman si Dante na wala siyang karanasan sa ibang trabaho kaya umaasa siyang may makatutulong sa kaniya.

Pebrero noong nakaraang taon nang sumikat sa social media si Dante dahil sa kaniyang "flying eagle" dance move na natutunan niya sa pagiging macho dancer noon.

READ: 'Big Papa' ng social media na si Dante Gulapa, aminadong dati siyang macho dancer

Naitampok na rin sa "Magpakailanman" ang kaniyang buhay,
na ginampanan ni Jak Roberto. --FRJ, GMA News