Sina Martin Javier at Sophia Senoron ang napiling maghatid ng iba't ibang impormasyon tungkol sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) bilang hosts ng "Rise Up Stronger: The Road to NCAA Season 96."

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ikinakasa na ang "Rise Up Stronger: The Road To NCAA Season 96," na magsisilbing NCAA primer bago ang opisyal na pagsisimula ng liga.

Isang seasoned sportscaster si Martin, samantalang beauty queen-turned actress at sports host naman si Sophia, na itinanghal din bilang 2017 Miss Multinational.

Limang taon bilang sports commentator at anchor si Martin ng NCAA pati na rin sa iba-ibang local at international leagues.

Natutuwa si Martin na maipagpapatuloy niya ito bilang Kapuso.

"Napakagandang liga nito, napakaraming magagaling, great players na nanggaling dito sa ligang ito. Natutuwa ako dito sa bagong tahanan," sabi ni Martin.

Alumni naman si Sophia ng NCAA member school na San Beda University.

"It's really close to my heart and I'm so grateful for this opportunity," sabi ni Sophia.

"Iba kasi 'yung excitement 'pag sports, iba 'yung nagagawa for people who are watching, iba 'yung bonding," sabi ni Sophia.

"Maraming firsts ito. Unang ligang collegiate na magre-resume sa Pilipinas. Maraming ipu-pull off, 'yung mga online games, 'yung mga online activities natin," ayon kay Martin.

Bukod dito, may pagkakataon din ang fans na kilalanin at kilatisin ang mga athlete ng NCAA.

Mapapanood ang ang Rise Up Stronger: The Road to NCAA Season 96 sa GTV simula Mayo 23, Linggo ng 5:05 p.m. at sa Lunes hanggang Biyernes ng 2:45 p.m.

Mapapanood naman ito tuwing Sabado ng 4:30 p.m. at sa Linggo ng 5:05 p.m.

Sa Hunyo 13, mapapanood ang Rise Up Stronger: NCAA Season 96 Opening Ceremony TV Special sa GTV.--Jamil Santos/FRJ, GMA News