Humingi ng panalangin si Super Tekla matapos magpositibo umano sa COVID-19 ang anak niyang si Baby Angelo.

"Kahit [anong] ingat... Need your prayers for Angelo confined, QCGH COVID," pag-anunsyo ni Tekla sa kaniyang Facebook account.

Ang Quezon City General Hospital ang tinutukoy na ospital ng Kapuso host na kinaroroonan ng kaniyang anak.

"Ama diko Alam ang gagawin kayo nang Bhala Kay ANGGE," panalangin ni Tekla na isa sa mga host ng "The Boobay and Tekla Show."

Matatandaang isinailalim sa operasyon si Baby Angelo matapos isilang nitong nakaraang taon dahil sa anorectal malformation o walang butas ang kaniyang puwit.

Naging matagumpay naman ang ginawang operasyon kay Baby Angelo.--FRJ, GMA News