Inilahad ni Kim Rodriguez na kulang siya noon ng kumpiyansa sa kaniyang sarili, at ibinahagi niya kung paano niya ito nalampasan.

"Naging problema ko rin 'yan dati, kulang ako sa confidence nga," sabi ni Kim sa GMA Regional TV Early Edition.

Pero ang natutunan daw ni Kim: "Pero noong na-realize ko na kailangan, just be yourself. Hindi mo kailangan magpanggap, ipakita mo kung ano ka dahil doon ka magugustuhan ng isang tao."

Daring at sexy si Kim sa pagdiriwang ng kaniyang ika-27 kaarawan noong nakaraang buwan matapos siyang mag-pose ng topless sa mga larawan na ipinost niya sa Instagram.

"Since 27 na ako, gusto kong mag-explore pa ng mga bagay na hindi ko pa nagagawa. Since passion ko ito, gusto kong lumabas sa comfort zone ko. Gusto ko pang mag-try ng mga bagay na hindi ko kayang gawin before na kaya ko nang gawin ngayon," paliwanag naman ni Kim sa GMA Regional TV Live.

Inihayag ni Kim ang kaniyang sikreto sa kaniyang pagiging blooming.

"Wala namang secret. Kailangan lang maging masaya ka sa buhay mo. Kailangan lagi kang ngumiti, kasi doon lalabas 'yung glow mo," anang Kapuso actress.

Makakasama si Kim sa "Never Say Goodbye" ng drama-anthology series na "Stories from the Heart," na pagbibidahan din nina Jak Roberto, Klea Pineda at Lauren Young.--FRJ, GMA News