Aminado si Chef Jose Sarasola na hindi nila kinaya ng Japanese celebrity na si Maria Ozawa ang long-distance relationship kaya sila naghiwalay.

Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Jose na noong nakaraang Disyembre sila nagka-usap ni Maria at nagkasundo silang maghiwalay na muna.

Tanging ang miyembro lang ng pamilya at ilang malalapit na kaibigan ang nakaalam ng kanilang paghihiwalay.

Sadya raw niyang itinago muna ang breakup kay Maria dahil ayaw niyang malungkot nang labis lalo na't selabrasyon ng Pasko at Bagong Taon.

Pero nang nagtatanong na rin ang iba niyang kaibigan tungkol kay Maria, napilitan na siyang ikuwento ang nangyari sa kanila ng dating nobya.

Ayon kay Jose, halos dalawang taon din nilang nilabanan ni Maria na nasa Japan ang LDR, at apat na taon na tumagal ang kanilang relasyon.

Napatunayan ni Jose na hindi madali ang LDR kaya saludo siya sa mga magkarelasyon na nasa ganitong kalagayan.

"For those who still have LDR relationship saludo ako. Kasi talagang sobrang hirap, sobrang challenging. Continue lang yung communication kasi kapag nawala, dun magko-cause talaga ng mga problem," ayon kay Jose.

Sa ngayon, wala pa raw munang balak si Jose na pumasok sa bagong relasyon at nais niyang tutukan muna ang negosyo at career. --FRJ, GMA News