Sa edad na 17, nakapagpundar na ng sarili niyang tahanan si Jillian Ward, at nabili na rin ang kaniyang dream sports car. Ano naman kaya ang susunod niyang goal?

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakapag-invest na rin si Jillian sa mga negosyo tulad ng restaurant at milktea shop.

"Gusto ko po talaga 'yung pagta-travel dahil iba po talaga 'yung memories na magagawa sa pagta-travel din. Kumbaga nasa amin na rin 'yung mga needs namin. So ngayon pinakaimportante sa akin ang quality time kasama ang family ko," sabi ni Jillian.

Matapos mapanood sa Book 2 ng Prima Donnas, gaganap naman si Jillian bilang isang batang surgeon sa "Abot Kamay na Pangarap."

Makakasama ni Jillian sina Carmina Villaroel, Pinky Amador, Richard Yap at Dominic Ochoa.

Bibida rin si Jillian sa episode ng Tadhana bilang ang ulilang si Sophie, at makakasama niya si Ricky Davao, na gaganap bilang isang gay parent na si Mama Gigi.

"Hindi ko po kasi siya biological parent. Talagang nahanap niya lang po ako, napunta ako sa kaniya at minahal niya po ako nang buong buo. Kahit hindi po ako dapat umiyak sa eksena, naiiyak po ako dahil ang galing ni Direk Ricky," sabi ni Jillian.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News