Hindi raw sumasama ang loob ng veteran actress na si Dina Bonnevie kung tawagin man siyang artistang matanda na.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, kinumpirma ni Dina na si Alex Gonzaga ang napagsabihan niya noon dahil sa palagiang pagiging late nito umano sa taping ng kanilang proyekto.

Pero paglilinaw ni Dina, hindi na siya galit ngayon kay Alex at nagkaayos na sila.

Diretsahang tinanong ni Tito Boy si Dina kung nasaktan ba siya patungkol sa isang podcast ni Alex at nabanggit nito ang tungkol sa isang "artistang matanda" na sinigaw-sigawan umano siya.

Ayon kay Dina, may mga nag-udyok sa kaniya noon na sumagot.

"'Yung mga taong nagsasabi, 'Sagutin mo na, ang bastos, tinawag kang matanda,'" saad ng aktres. "Hindi ako na-offend na tinawag akong matanda."

"It's true, matanda na ako, I'm 61. But I see people at 61, they're still looking fresh. Sorry, but I feel fresh, and I think I look fresh. Hindi ako na-offend doon," dagdag ng beteranang aktres.

Bilang patunay na maayos na sila ni Alex, sinabi ni Dina na nag-guest na siya sa mga show nito.

Kahit hindi naapektuhan sa komentong matanda, iginiit ni Dina hindi siya nag-iimbento ng kuwento tungkol sa naging isyu nila noon.

"Kaya ako nagulat na bakit dumating 'yung parang matandang artista when you're painted as the bad guy. For me, doon ako nainis. Kasi 'painting you as a bad guy' is inventing stories to make you look bad. But I wasn't inventing stories," ani Dina.

Gayunman, nakaraan na ang lahat para kay  Dina at hindi na siya galit kay Alex.

"But that's past. It has changed. Nagbago naman siya bago matapos ang taping. Okay, hindi ako galit sa kaniya," ani Dina.

Sinabi naman ni Tito Boy na bukas ang programa para kay Alex kung nais nitong magbigay ng kaniyang panig.--FRJ, GMA Integrated News