Inihayag ni Rhian Ramos na “a bit broken-hearted” siya matapos hindi palaring manalo ang kaniyang nobyo na si Sam Verzosa sa Eleksyon 2025 noong Mayo matapos na kumandidatong alkalde sa Maynila.

“I have to say, I was a bit broken-hearted for him. Kasi ‘pag mahal mo 'yung isang tao, you don't want them to be in pain, ‘di ba? Ayaw mo silang makita na malungkot. I was scared na siya 'yung maba-broken-hearted,” sabi ni Rhian nang kunan ng reaksyon ni Tito Boy Abunda sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, kaugnay sa resulta ng nagdaang halalan.

Ayon pa kay Rhian, umiyak din sa kaniya ang nobyo para sa mga taong naniniwala sa kaniya.

“Iniiyakan niya din ako eh. I mean, understandable. He has every right naman kung iiyak siya for himself kasi malaki 'yung tinaya niya. At saka everyday niyang pinaghirapan ‘yun,” ani Rhian.

“Pero 'yung iniiyak niya sa akin, 'yung mga na-let down niya daw na mga tao,” dagdag pa ng aktres.

Dahil naging kandidato ang kaniyang nobyo sa eleksyon at naging aktibo siya sa pagsuporta rito, tinanong si Rhian kung ikokonsidera niya rin ba niya ang pagpasok sa politika.

“Dati sinabi ko, ayoko, ayoko. Nagbago na isip ko. Ayaw na ayaw ko na pala,” natatawa niyang sabi.

“Ayoko talaga. Ang lungkot kasi. I mean, I don't know. Siguro just based on what I've seen and what I've experienced. Parang I feel like politics is a system that might even work against you pa nga eh. So, ayun. Depende,” paliwanag niya.

Sa kabila nito, inihayag pa rin ni Rhian ang pagiging proud niya sa nobyo.

“I'm so proud of him talaga. Good thing nga eh that I saw it because now I admire him even more,” sabi ni Rhian.

Gayunman, nakita rin umano niya na natanggap din kaagad ng kaniyang nobyo ang resulta ng halalan na sumabak na kaagad sa trabaho at nagpaguwapo. -- FRJ, GMA Integrated News