Ginahasa at pinatay ang isang 65-anyos na lola na tinangka umanong pagnakawan ng mag-isang suspek sa Zamboanga del Norte.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes ni GMA News stringer Aude Hampong, kinilala ang biktima na si Adelina Balasi, 65.
Ayon sa ulat, natagpuan na lamang na walang saplot ang bankay ng biktima hindi kalayuan sa kaniyang bahay sa bayan ng Sergio Osmeña.
Hinala ng mga awtoridad, ginahasa muna bago pinatay si lola Adelina at ang kanilang suspek ay isang kaanak nito.
Batay sa report ng mga pulis, tinangkang pagnakawan ng suspek na kinilalang si Abraham Bonbon ang biktima.
Mag-isa lamang umano sa kaniyang bahay si lola Adelina at naaktuhan nito ang tangkang pagnanakaw ng suspek.
Sa aktong iyon, hinampas umano ng suspek ang biktima upang hindi na ito makapalag, ayon sa mga pulis.
At nang mawalan ng malay ang matanda, doon na umano pinagsamantalahan ng lasing na suspek.
Matapos ang panghahalay, sinakal umano ng suspek ang matanda hanggang sa mamatay.
Itinapon ang katawan ng biktima ilang metro lamang mula sa kaniyang bahay.
Inaresto si Bonbon sa kaniyang bahay matapos ang insidente, ayon sa ulat.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na ngayon ay nahaharap sa reklamong murder at rape. —LBG, GMA News
