Nagulantang ang mga reisdente sa isang barangay sa Bacolod City nang makita nila ang isang lalaki na walang malay na nakalambitin na patiwarik sa mga kawad ng kuryente

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 18 nang nasabing lungsod.

Agad namang sinaklolohan ang 34-anyos na lalaki upang maibaba sa kaniyang pagkakalambitin. Nagkaroon din siya ng malay kinalaunan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, target umano ng lalaki na magnakaw ng kable ng telco pero aksidente siyang nakuryente sa mga kawad ng kuryente sa poste.

Muntik pang mahulog ang lalaki pero sumabit ang mga paa niya sa mga kawad.

May tatlo pa umanong kasamahan si Lomayo na tumakas matapos na makita ang nangyari sa kaniya.

Nakalabas na ng ospital ang lalaki.

Nagsasagawa naman ng kampanya ang mga awtoridad para masawata ang mga nagnanakaw sa mga kable sa lungsod. --FRJ, GMA Integrated News