Dahil sa isang aso na biglang tumawid sa national highway, kamuntik nang magulungan ng SUV ang ulo ng isang nakasakay sa motorsiklo na natumba matapos mahagip ang naturang hayop sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Malabago, na normal ang daloy ng trapiko.

Ang motorsiklo na may sakay na rider, babae, at bata, binabagtas ang motorcycle lane nang may biglang tumawid na isang aso at kanilang nahagip.

Natumba ang kanilang sasakyan sa panig kung saan dumadaan ang mga four-wheel vehicle at kamuntik pang magulungan ng SUV ang ulo ng isa sa mga sakay sa motorsiklo.

"Mag-asawa yata, may bata eh. Yung isa muntik pang maano yung ulo niya dun sa SUV na kasunod niya. Buti walang nangyaring ganun [malagim na disgrasya], medyo gasgas lang [ang tinamo ng mga biktima]," ayon sa punong barangay na si Myla Muyargas.

Hindi na umano nagsampa ng reklamo sa barangay ang mga biktima, at hindi na rin ipina-blotter sa pulisya ang insidente.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga may-ari ng aso na maging responsable sa kanilang mga alagang hayop para hindi maging sanhi ng aksidente.

Kamakailan lang, isang motorcycle rider ang nasawi sa Olongapo City nang bigla siyang matumba sa highway at nagulungan ng kasabay niyang truck.--FRJ, GMA Integrated News