Nanalo sa katatapos na Eleksyon 2025 bilang mayor ng Rizal, Cagayan ang 21-anyos na anak ng pinaslang na alkalde na si Joel Ruma.

Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing humalili si Jamila Ruma bilang kandidatong alkalde matapos na barilin at patayin ang kaniyang ama na si Joel habang nangangampanya, ilang linggo na lang bago ang eleksyon.

Nakakuha si Jamila ng mahigit 6,000 boto sa pinakahuling bilangan, na mas mataas sa mahigit 4,000 boto ng pumangalawa sa kaniya.

Nanalo rin ang kaniyang ina na si Brenda, bilang bise alkalde para sa kaniyang ikalawang termino.

Nagtapos si Jamila ng kursong Development Studies mula sa De La Salle University Manila, at consistent Dean’s Lister.

Sa Facebook post, pinasalamatan niya ang mga mamamayan ng Rizal sa tiwala at suportang ibinigay sa kaniya. Nangako siyang ipagpapatuloy ang mga programang nasimulan ng kaniyang ama.

Gabi noong April 23 nang barilin ang nakatatandang Ruma habang nangangampanya sa isang barangay.

Hinihinala ng mga awtoridad na sniper ang bumaril sa biktima.-- FRJ, GMA Integrated News